MANILA, Philippines — Nasawi ang pito kataong lulan ng barkong MV Mercraft 2 malapit sa Baluti Island, Barangay Cawayan sa Real, Quezon ngayong Lunes.
Bandang 6:30 a.m. nang magpadala ng distress call ang naturang sasakyang pandagat mula Pilollo patungong Real, Quezon nang magkaroon ng sunog. Sinasabing nagmula ito sa engine room.
Aabot sa 134 katao ang sakay na crew at pasahero ng barko nang mangyari ang insidente.
- patay (7)
- kritikal (3)
- nailigtas (120)
- unaccounted (4)
Lima sa mga binawian ng buhay ay mga babae habang mga lalaki naman ang dalawa pang namatay.
"Naganap ang insidente nang makarating ang barko 1,000 yarda mula Port of Real," wika ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang paskil sa Facebook kanina.
"Naihatid na sa pinakamalapit na ospital ang anim na pasaherong nangangailangan ng tulong medikal."
Kasalukuyan pa ring inaapula ang apoy habang nagkakasa ng searcgh and rescue operations ang mga otoridad hanggang msa ngayon.
Naka-tow naman sa pinakamalapit na pampang ng Baluti Island ang naturang vessel, ayon sa pinakahuling ulat ng PCG.
Rumesponde naman na ang apat na MBCA, dalawang RORO vessels at tatlong Coast Guard search and rescue teams sa pinangyarihan ng insidente. — James Relativo