MANILA, Philippines — Patay ang isang sundalo at limang miyembro ng teroristang grupo matapos silang magkasagupa sa Lanao del Sur noong Miyerkules ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Romulus Rabara, commander ng 5th Infantry Battalion-PA, nasawi si Corporal Rutevic Jaralve ng Zamboanga del Norte habang sugatan ang ilan sa mga kasamahan nito.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng limang nasawi na miyembro ng Dawlah Islamiya-Maute Group (DI-MG) na pinangunahan ng isang Abdullah.
Batay sa report, dakong alas-8 ng umaga nitong Miyerkules nang magsimula ang matinding bakbakan sa bulubunduking bahagi ng Barangay Ragayan, Butig, Lanao del Sur.
Sinabi ni Rabara na nakatanggap sila ng report mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong grupo na naniniktik at nag-iimbak ng mga construction materials at pagkain sa naturang lugar.
Agad na nagsagawa ng operasyon ang tropa ng pamahalaan at nagpakawala ng Field Artillery Battalion, dalawang AW-109 attack helicopters ang Philippine Air Force-Tactical Operations Group.
Tumagal ng apat na oras ang sagupaan na ikinamatay ng limang terorista at isang sundalo.
Narekober sa lugar ng pinangyarihan ng engkuwentro mula sa kuta ng mga terorista ang apat na matataas na kalibre ng armas, rocket-propelled grenade, iba-ibang ammunition, improvised landmine, at mga materyales na gamit sa panggiyera.