BATANGAS CITY, Philippines — Kinondena ni Lakas- CMD vice presidential candidate Sara Duterte ang naganap na karahasan matapos na paulanan ng bala ang campaign sortie ni presidential candidate Leody de Guzman na ikinasugat ng dalawa katao sa Bukidnon kamakalawa.
“Of course, lahat ng election violence and allegations of fraud, we condemn that. We already wrote the Comelec a general letter that if there is any allegation or incident, dapat lahat ‘yun buksan nila with an official inquiry,” pahayag ni Sara sa ambush interview ng mga reporter matapos makipagpulong sa mga health workers mula sa Nursing Service Administrators of the Philippines (ANSAP) sa Provincial Capitol Auditorium ng Batangas City.
Ginawa ni Sara ang pahayag bilang reaksiyon sa napaulat na pamamaril ng mga security guards ng isang taniman ng pinya sa grupo ng mga Manobo na pinupulong ni Ka Leody hinggil sa isyu ng lupain na nais okupahin ng mga katutubo sa halip umanong nakatiwangwang lamang ito na hindi naman tinataniman ng pinya.
Si De Guzman ay kamuntik nang tamaan ng bala sa nasabing pamamaril na ikinasugat ng dalawa nitong kasamahan kabilang ang senatorial candidate ng kaniyang partido.
Nitong Martes ay sinabi ni Ka Leody na hindi niya batid kung siya mismo ang target sa nasabing election violence. Ang insidente ay iniiimbestigahan na ng Comelec.
Sina Duterte at ang ka-tandem na si presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay sinusuyod ang mga ilang lalawigan sa Southern Tagalog para sa pagpapatuloy ng kanilang kampanya ngayong Miyerkules hanggang Huwebes para sa nalalapit na halalan sa Mayo 9.
Related video: