SUBIC, Zambales , Philippines — Tatlo mula sa 150 tsuper ang nagpositibo sa illegal na droga matapos ang isinagawang sorpresang drug testing ng mga awtoridad sa ilalim ng “Oplan Harabas” sa bayang ito, nitong Lunes.
Sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Zambales Provincial Officer Agent Jigger Juniller, dalawa sa mga driver ang nagpositibo sa paggamit ng shabu habang ang isa ay sa marijuana.
Kaagad namang kinumpiska ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng mga nagpositibo sa droga na susundan ng pagsasailalim sa kanila sa rehabilitation program.
Isasalang din sa confirmatory test ang specimen ng tatlong driver na hindi muna binanggit ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa kabuuan, nasa 150 na tsuper ng dyip at traysikel ang nasorpresa na isinailalim sa drug testing upang masiguro na ligtas ang kanilang mga pasahero habang nagmamameho.