MANILA, Philippines — Patuloy ang pag-angat ng number 50 Ang Probinsyano Party-list matapos makuha ang pangatlong puwesto sa party-list race para sa nalalapit na May 9, national election sa pinakahuling Pulse Asia Ulat ng Bayan national survey na isinagawa mula Marso 17-21, 2022.
Sa nasabing survey, walo sa 177 party-lists na tumatakbo sa halalan ang nakakakuha ng suporta ng may dalawang porsyento ng mga botanteng Pilipino, kung ang halalan ay gaganapin sa nasabing mga petsa.
Ayon sa Pulse Asia, sa suportang ito, malalagpasan ng walong party-list groups ang 2-percent voter preference na kinakailangan upang makakuha sila ng isang congressional seat sa unang round ng seat allocation base sa nakasaad sa February 17, 2017 resolution na inilabas ng Korte Suprema.
Ang Number 50 Ang Probinsyano Party-List, na nagsusulong ng hanapbuhay, edukasyon, pagkain at kalusugan para sa lahat ng mga probinsyano, ay nakakuha ng 4.48 voter preference.
“Isa pong malaking karangalan na maging isa sa mga pangunahing napupusuan ng mga botante. Kung kami po ay muling papalarin, higit pa naming paiigtingin ang pagsusulong ng pag-unlad sa mga kanayunan para din po sa pangkalahatang pag-unlad ng ating bansa,” ayon kay Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos.
Ibinoto bilang isa sa mga nangungunang party-list sa una nitong pagsabak sa pulitika noong 2019 elections, ang Ang Probinsyano Party-list ay nagtala ng magandang performance kabilang ang pagbibigay ng relief packs sa 56, 243 beneficiaries sa gitna ng pandemya; financial assistance sa 33,359 beneficiaries; anti-COVID packs sa 12,549 beneficiaries; educational assistance sa 7,880 estudyante at medical assistance sa 4,174 beneficiaries.
Pinondohan din ng naturang party-list ang konstruksyon ng 69 evacuation centers at multi-purpose buildings sa iba’t ibang probinsya, at principal author ng 246 bills at resolutions at co-author ng 134 panukalang batas at resolusyon sa 18th Congress.