Sa Infanta mayor ambush..
MANILA, Philippines — Kinasuhan ni Infanta, Quezon Mayor Filipina Grace America ang kanyang katunggali sa pagka-alkalde sa darating na halaan, isang vice mayor at apat pa kaugnay sa pananambang at bigong pagpatay sa kanya, kamakailan.
Dahil dito, posible umanong mauwi sa wala ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng pulisya, na nag-iimbestiga upang resolbahin ang bigong pananambang kay America noong Pebrero 27, 2022 makaraang hindi nakipagtulungan sa SITG ang alkalde at sa halip ay direktang nagsampa ng kaso laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika.
Matatandaan na ang SITG ay mabilis na binuo alinsunod sa direktiba ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos kay Calabarzon Police director Brig. Gen. Antonio Yarra, matapos ang pananambang kay America sa Poblacion, Infanta kasama ang isang staff at driver.
Sugatan pero nakaligtas sa kamatayan si America at ilang araw matapos makalabas sa ospital, nagsalita siya media at sinabing pulitika ang dahilan sa likod ng tangkang pagpatay sa kanya.
At ilang araw matapos magbalik sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder ang katunggali niyang si mayoral candidate Eriberto “Ebit” Escueta, at sina incumbent Vice-Mayor Lord Arnel Ruanto, Bobby Vargas, Ronil Nolledo, Jorraffin Plantilla at Gilbert Pacio.
Sa kanyang salaysay, inakusahan ng alkalde sina Escueta at Ruanto bilang mga mastermind sa pananambang.
Una rito, napag-alaman sa ilang police sources na sa pag-iimbestiga ng SITG, na binubuo ng iba’t-ibang police unit at pinamumunuan ni Quezon Police Director Col. Joel Villanueva, na identified na ang ilang suspect sa pananambang kabilang na ang mismong gunman gayundin ang motibo ng mga ito.
Lumalabas umanong hindi pulitika kundi quarry operation at sugal ang pangunahing ugat ng pananambang. Gayunman, ang kaso ay hindi pa naisasampa ng SITG sa piskalya dahil tumanggi umanong magbigay ng kanyang salaysay si America, bagay na naging palaisipan sa pulisya.
Marami ang naniniwala na ang punongbayan ay ginagamit lamang ng mga kaalyado nitong pulitiko upang sirain ang imahe ng kanyang katunggali sa pulitika. Ito ay sa dahilang sina Escueta at Ruanto ay kapartido at masugid na tagapagtaguyod ng kanyang katunggali sa 8 bayan ng Northern Quezon na kinabibilangan ng 3 coastal towns at 5 island municipalities.