MANILA, Philippines — Muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang apela para sa pagsasabatas ng Senate Bill No. 1411, kilala rin bilang Expanded Solo Parents Welfare Act of 2020.
Ang panukalang batas, na co-authored at co-sponsor ni Go, ay layong bigyan ng mga karagdagang benepisyo, tulad ng buwanang cash subsidies at health insurance coverage, sa hindi bababa sa 14 milyong solong magulang.
Pumasa na ito sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado noong Disyembre 13.
“Hindi po biro ang magpalaki ng anak ng solo lang tayo, pero ang importante kasama natin sila, hindi ba? Mas masaya at masarap ito sa pakiramdam. Kaya kahit nasaan kayo sa Pilipinas, talagang tumutulong ako at isinasama ko po ang mga solo parents,” ani Go.
Bilang pagpapakita ng kanyang patuloy na pangako, ang grupo ni Go ay nagbigay ng mga pagkain at mask sa kabuuang 1,000 solong magulang sa Bongabon National High School Gymnasium sa Nueva Ecija.
Nagbigay rin sila ng mga bagong sapatos o bisikleta para sa kanilang pang-araw-araw na pag-commute at nagbigay sa iba ng mga computer tablet upang matulungan ang kanilang mga anak sa kanilang mga aktibidad sa paaralan.
Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, hinimok ni Go ang mga magulang na magpabakuna at magpalakas kasama ang kanilang mga kwalipikadong anak upang mas mabilis na makabalik sa normal ang bansa.