MANILA, Philippines — Higit pang pinaigting ng Antipolo City government at ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang kanilang vaccination drive sa Antipolo station ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Ito ay matapos na mapagkasunduan ng lokal na pamahalaan ng Antipolo at LRTA na gawin nang anim na araw o mula Lunes hanggang Sabado ang pagbabakuna sa vaccination site sa Antipolo Station, sa halip na dalawang araw lamang na unang napagkasunduan nila o Miyerkules at Biyernes.
Anang LRTA, ang naturang anim na araw sa isang linggo na pagbabakuna sa Antipolo Station ay sisimulan na nila ngayong Lunes, Marso 7.
Samantala, inaasahang ngayong Lunes din ay bubuksan na ng LRTA ang vaccination site nila sa Cubao Station katuwang ang Quezon City government. Magbabakuna rito ng first dose, second dose at booster shots, at bukas ang site tuwing Lunes mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Sinabi ni LRTA Administrator Jeremy Regino na umaasa silang sa pamamagitan ng pagdaragdag ng vaccination sites sa kanilang istasyon ay mas maraming matuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.