PAMPANGA, Philippines — Nagsagawa ng relief operation ang tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go para sa mga low-income families sa Guagua, Pampanga, na nahaharap sa problemang pinansiyal dahil sa kasalukuyang global health crisis.
Sa isang video message, hinikayat din ni Sen. Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, ang publiko na gawing pangunahing prayoridad ang kanilang kalusugan. Hinimok niya ang mga ito na bisitahin ang alinman sa dalawang Malasakit Centers sa kanilang lalawigan na matatagpuan sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital sa San Fernando City, at Rafael Lazatin Memorial Medical Center sa Angeles City, sakaling nangangailangan sila ng tulong medikal.
Ang naturang center ay isang one-stop shop kung saan kumbinyenteng makakahingi ang mga pasyente ng tulong mula sa DSWD, DOH, PhilHealth, at PCSO.
Si Go ang pangunahing may akda ng Malasakit Centers Act of 2019 na pinakikinabangan na ngayon ng mahigit 3-milyong Pinoy sa buong bansa.
Samantala, namahagi rin ang mga staff ni Go ng mga pagkain at masks sa may 1,471 nangangailangang residente sa Guagua National Colleges Gymnasium. Namigay rin sila ng computer tablets at bagong pares ng sapatos sa mga piling recipients, gayundin ng mga bisikleta sa iba pa, upang mapadali ang pagbiyahe ng mga ito.