2 terorista patay, 4 Marines sugatan sa Lanao encounter

Batay sa ulat ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., commander of Western­ Mindanao Command (Westmincom), nagsa­sagawa ang tropa ng pamahalaan sa ilalim ng 1st Marine Brigade ng military operation nang madiskubre ang hideout ng DI-MG terror group sa pamumuno ni Polo Alim sa Barangay Balabagan.
STAR/ File

ZAMBOANGA CITY, Philippines — Dalawang mi­yembro ng Islamic State-inspired Daulah Islamiyah-Maute Group (DI-MG) ang nasawi habang 4 sundalo ang nasugatan nang magkaengkuwentro sa Brgy. Balabagan, Lanao del Sur, kamakalawa.

Batay sa ulat ni Lt. Gen. Alfredo Rosario Jr., commander of Western­ Mindanao Command (Westmincom), nagsa­sagawa ang tropa ng pamahalaan sa ilalim ng 1st Marine Brigade ng military operation nang madiskubre ang hideout ng  DI-MG terror group sa pamumuno ni  Polo Alim sa Barangay Balabagan.

Agad na nagkaroon ng patukan ang mag­kabilang panig na ikina­sawi ng dalawang tero­rista at pagkasugat ng 4 na sundalo.

“Firefight ensued after which the enemy withdrew leaving behind the dead body of one of their slain comrades,” wika ni Rosario.

Nagsagawa ang mga sundalo at mga pulis mula sa Balabagan Police Station ng clearing operation at narekober ang isang bangkay sa loob ng inabandonang kubo na ginawang hide­out.

Sinabi naman ni Maj. Gen. Juvymax Uy, commander ng JointTask Force Central and 6th Division, na isa pang DI-MG member ang napatay sa sagupaan kaya nagsitakas ang mga kasama nito.

Ang 4 na sugatang sundalo ay dinala sa Dr. Serapio Montaner Memorial Hospital sa Balabagan para maipagamot at nasa maayos nang kalagayan.

Nadiskubre sa kubo ng mga terorista ang iba’t ibang armas, bala at mga cellphone units, radio base transceiver, machete, at drug paraphernalia.                       

Show comments