MANILA, Philippines — Umaabot sa 10 loose firearms o mga baril na walang lisensya ang isinuko ng mga residente sa tropa ng pamahalaan sa Sitangkai, Tawi-Tawi nitong Biyernes.
Ayon kay Major Andrew Linao, spokesperson ng AFP-Western Mindanao Command, kabilang sa mga isinuko ay apat na matataas na kalibre ng armas at anim na mahihinang uri ng mga baril sa turnover ceremony sa Brgy. Poblacion, Panglima Alari at Datu Baguinda Puti ng nasabing lalawigan.
Ang pagsuko ng mga armas ay sa tulong ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 12, Sitangkai Municipal Police Station (MPS) at Maritime Police kaugnay ng pinalakas na kampanya laban sa loose firearms o mga baril na walang lisensya sa bayan ng Sitangkai.
Sinabi ni Linao na kabilang sa mga nagsuko ng mga armas ay sina Amil Abbas, 39; Morgan Jawlah Lukoh, 74 at Polding Polal, 28 ; pawang residente ng Brgy. Pang lima Alari; Hajji Ismael Mauh, 73; Ismael Ibrahim, 47 ng Brgy. Datu Baguinda Putih. Isinurender ng mga ito ang isang grenade launcher na may tatlong rounds ng bala; isang M16 Baby Armalite rielf na may magazine, pitong maiikling magazines, 48 rounds ng 5.56 MM na bala, isang garand rifle na may 36 bala at 7.62 MM na mga bala, isang carbine rifle na may isang magazine, 28 bala at anim na cal. 45 pistol.