BAGUIO CITY, Philippines — Nababahala ang mga magsasaka sa Benguet sa patuloy na pagbuhos sa merkado ng mga strawberries na nagmumula sa Korea na nakakaapekto sa kanilang kita at kabuhayan.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Benguet Farmers Marketing Cooperative manager Agot Balanoy ang Bureau of Plant and Industry (BPI) kung bakit bumabaha ang mga Korean strawberries sa mga wet markets ng Cebu.
Ayon kay Balanoy, taliwas ito sa sinasabi ng ahensya sa ginanap noon na pagdinig sa Senado na ang mga nasabing strawberries ay para lamang sa Korean community sa Pilipinas.
Ang National Plant Quarantine Services Division ng BPI ay nag-isyu umano ng permit sa importer ng nasabing mga strawberries noong Nobyembre 20, 2021 na mapapaso sa Nobyembre 20, 2024. Ang permit ay nagdedeklara para sa nasabing goods ay mga “ornamental plants”.
Iginiit ni Balanoy na ang Korean strawberries ay hindi kailanman makokonsidera na ornamental plants.
“Thus, this is misdeclaration and misdeclaration is a form of smuggling,” giit ni Balanoy.
Ipinaliwanag pa na sa Philippine Korea-Philippine Trade Agreement sa ilalim ng General Agreement on Tariff Agreement-World Trade Organization (GATT-WTO), ang mga strawberries ay hindi umano kabilang sa mga produkto na pinapayagang pumasok sa mga pamilihan sa Pilipinas.
Ang pagbibigay ng permit sa importer para sa Korean strawberries ay labag umano sa kasunduan, at lumalabas na ginagawa ito para lang mapaboran ang mga Koreano. Dahil umano sa pagbuhos ng mga Korean strawberries sa mga high-end markets at pop-stores sa Cebu, matindi ang naging epekto nito dahil natigil ang pag-oorder sa mga strawberry farmers sa Benguet na siyang pinanggagalingan ng mga strawberries na karaniwang nabibili sa mga pamilihan.
Nanawagan na ang mga magsasaka na i-recall o kanselahin ang nasabing permit.