DAET, Camarines Norte, Philippines — Umaabot sa halagang P2-milyong cash at mga alahas ang natangay ng isang babaeng kawatan matapos na pasukin ang bahay ng isang negosyante sa Brgy. Lag-on ng bayang ito kamakalawa ng hapon.
Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na nakilala dahil sa cctv camera na si Verginia Billete Bolocon, 45-anyos, may asawa, residente ng Brgy. Lalawigan, Mercedes.
Sa imbestigasyon ng Daet Police, dakong alas-5 ng hapon ay puwersahang pinasok umano ni Bolocon ang bahay ng negosyanteng si Janet Cama Nael, 43-anyos sa nasabing lugar.
Sinira ng babaeng suspek ang lock sa likurang pintuan ng bahay at nang makapasok ay mabilis nitong kinulimbat ang pera na aabot sa P1.5 milyon at mga alahas na nagkakahalaga ng P500,000.
Nadiskubre ng biktima ang ginawang pagnanakaw nang umuwi siya sa kanyang tahanan dakong alas-8 ng gabi.
Nakita ng biktima ang aktuwal na pagnanakaw ng suspek dahil sa mga kuha ng CCTV camera sa bahay ng una.