Magsasaka tepok sa tuklaw ng cobra
MANILA, Philippines, Philippines — Isang magsasaka ang nasawi matapos matuklaw ng isang ahas na “banakon” o King Cobra na kanyang napatay kamakalawa ng hapon sa Barangay Olaycon, Monkayo, Davao de Oro.
Kinilala ng Monkayo Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang biktima na si Rodrigo Ugay Dijos.
Ayon kay Barangay Kagawad Barry Gina Labrigas, dakong alas-5 ng hapon habang pauwi na ng bahay si Dijos na angkas ng isang motorsiklo nang makita ang grupo ng kalalakihan na pinagtutulungang hulihin at patayin ang isang banakon.
Bumaba sa motorsiklo si Dijos na umano’y nakainom rin, para tumulong sa paghuli sa cobra. Nakunan pa siya ng litrato na hawak-hawak ang cobra na napatay niya, pero natuklaw na pala siya sa kanyang likod at mukha.
Dinala pa sa isang albularyo si Dijos pero ayon kay Labrigas, nawalan na siya ng malay at iniuwi ng kaniyang pamilya hanggang sa malagutan ng hininga.
- Latest