Running gun battle sa Benguet
MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng umano’y gun-for-hire, carnapping at robbery hold-up group ang patay matapos makaengkuwentro ang mga tauhan ng Highway Patrol Group at mga tauhan ng PRO-3 at PRO-Cordillera kahapon ng madaling araw sa Brgy. Shilan, La Trinidad, Benguet.
Sa report ni PNP-HPG Director Brig. Gen. Rommel Marbil sa Camp Crame, ang mga hindi pa nakikilalang suspek ay nasa ilalim ng surveillance operation nang magsimula ang engkuwentro sa Lamut-Shilan Road sa Brgy. Shilan dakong alas-12:35 ng madaling araw.
Nabatid ang joint police operation ng HPG at PRO-COR ay nag-ugat sa impormasyong nakuha ng Special Operations Division ng HPG (Task Force Limbas) hinggil sa mga insidente ng panghoholdap, pangangarnap at gun-for-hire ng grupo na nakabase sa Pampanga gamit ang isang pulang Mitsubishi Lancer.
Lumilitaw na iba’t ibang plaka ang ginagamit ng nasabing sasakyan na nagbunsod sa HPG na magtungo sa Benguet.
Namonitor ng mga awtoridad ang presensya ng mga suspek na sakay ng pulang Mitsubishi Lancer Sedan na may plakang WIN-580 kaya naglagay ng mga harang sa Baguio-Bontoc Road na kanilang daraanan.
Agad na nagsagawa ng verification ang mga tauhan ng HPG sa pamamagitan ng LTO on line 2600 at dito napag-alaman na ang nasabing plaka ay para sa isang Mitsubishi Adventure.
Dahil dito, tumawag ng mobile team ang HPG para hulihin ang mga suspek.
Gayunman, nang lapitan ng mga pulis ang sasakyan ay nagpaputok umano ang mga suspek at tumakas sanhi ng habulan. Nagkaroon ng palitan ng putok hanggang sa tamaan ng bala ang mga suspek na kanilang ikinamatay.