CAVITE , Philippines — Isang 14-anyos na binatilyo na ginawang courier o taga-deliver ng ilegal na droga ang kasama sa tatlo katao na naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa kamakalawa ng gabi sa Brgy. Molino 2, Bacoor City.
Itinago na lamang sa alias “Junjun” ang 14-anyos na suspek habang ang dalawang kasamahan nito ay nakilalang sina Noryll Tan, 19-anyos at Victor Austria, 33, pawang residente ng Brgy. Molino 2, Bacoor City, Cavite. Sa imbestigasyon ni Pat. Jerome Asid, isang drug duy-bust Operation ang ikinasa ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor City Police dakong alas-8:45 ng gabi kasunod ng ilang araw nilang surveillance laban sa suspek na si Austria.
Kilala umanong tulak sa nasabing lugar si Austria at nang magpositibo ang pagmamanman ay agad ikinasa ang buy-bust.
Nabatid na ang 14-anyos na binatilyo ang humarap sa poseur buyer na pulis at siyang nagdala ng droga habang nasa ‘di kalayuan lamang ang dalawang kasamahan nito. Nang naiabot ang droga, dito na agad inaresto ang binatilyo at nadakma rin ang dalawang kasama nito. Nasamsam sa tatlo ang may 10 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng mahigit 6 na gramong shabu na nagkakahalaga ng P40,800 at buy-bust money.