CAGAYAN VALLEY, Philippines — Natagpuan ang bangkay ng isang dating seaman na nakasilid sa drum na palutang-lutang sa Cagayan River sa bahagi ng Maddarulog, Solana ng lalawigang ito.
Positibong kinilala ng mga kaanak ng biktima si Rowel Unabia, 32-anyos dating seaman at residente ng Brgy. Maddalero, Buguey, Cagayan. Ayon kay Haydee asawa ng biktima, agad silang nakipag-ugnayan sa pulisya nang mabalitaan ang tungkol sa bangkay na nakita sa isang drum sa ilog. Hanggang sa ngayon ay palaisipan pa sa kanila ang ginawa sa kaniyang mister dahil wala umano silang alam na kasalanan at kaaway nito.
Sa inisyal na pagsisiyat ng pulisya, nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima na posibleng sanhi ng kaniyang pagkamatay bago isinilid sa drum saka ipinaanod sa ilog.
Sinabi ni PCapt. Samuel Lopez, hepe ng PNP Solana, nagulat ang mga nakakitang construction worker dahil bangkay ng tao ang tumambad nang buksan nila ang kulay asul na drum na unang nakitang naaanod sa ilog.