Lalaki na nakaposas tinodas, itinapon sa kanal

Isang tama ng punglo sa ulo ang ikinasawi ng biktima na si Jaime Arias Bandagosa, 43-anyos ng Brgy. 36-Capantawan, Legazpi City.
STAR/File

BACACAY, Albay, Philippines — Isa nang malamig na bangkay nang matagpuan ang isang lalaki na nakaposas at nakagapos ang dalawang binti sa may drainage canal sa tabi ng kalsada sa liblib na lugar ng Purok-6, Sitio Tiga, Brgy. Tambongon ng bayang ito kamaka­lawa.

Isang tama ng punglo sa ulo ang ikinasawi ng biktima na si Jaime Arias Bandagosa, 43-anyos ng Brgy. 36-Capantawan, Legazpi City.

Sa ulat, alas-7:15 ng umaga, nagulat ang mga dumaraang motorista nang makita ang nakadapang katawan ni Bandagosa habang nakaposas ang dalawang kamay sa likod, nakatali ang dalawang binti at may busal ng panyo ang bibig.

Hinihinalang matapos barilin ang biktima ay inihulog ng mga ‘di kilalang suspek ang bangkay nito sa nasabing kanal.

Sa imbestigasyon, posibleng dinala roon ng mga suspek ang biktima at doon na rin binaril dahil sa nakuhang isang basyo ng bala ng hindi malamang kalibre ng baril.

Nang makita ang larawan ng salvage victim sa mga posts sa social media, agad nakilala ang biktima ng kanyang mga kaanak dahil sa suot nitong damit, pantalon at tattoo sa katawan kaya agad silang nagpunta sa punerarya para kunin ang bangkay.

Show comments