Bikoy Advincula, inaresto…
MANILA, Philippines — Tatlong kandidato sa lokal na posisyon sa bayan ng Donsol, Sorsogon ang dinukot at natagpuang patay matapos pagbabarilin sa loob ng tindahan ng ukay-ukay sa Purok-6, Brgy. Busay, Daraga, Albay, kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktima na si incumbent municipal councilor Helen Advincula Garay, 53-anyos, na kumakandidatong vice mayor at ang dalawang negosyante na parehong kandidato naman bilang konsehal na si Kareen Dela Rosa Averilla, 44-anyos, residente ng Brgy. Bororan at Xavier Alim Mirasol, 61-anyos, residente ng Brgy. Away-away pawang ng Donsol.
Nakaligtas sa pagdukot at nakareport sa mga pulis ang kasama ng mga biktima na si Lalaine Herrera Amor.
Inaresto at itinuturing na pangunahing suspek si Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” na naging kontrobersyal matapos kasuhan ng perjury sa “Ang tutuong narcolist video” noong 2019.
Sa ulat ni Lt. Col. Bogard Arao, hepe ng Daraga Police, inimbitahan umano ni Advincula si Konsehal Garay noong Miyerkules na isinama naman sina Averilla, Mirasol at Amor sa gagawing pagtitipon ng isang coordinator ng partido nasyonal sa Legazpi City at nagkita ang apat sa Brgy. Pandan.
Gayunman, unang isinama ni Advincula sa kanyang kotseng Toyota Vios (ABQ-6285) para ihatid sa lugar ng pagtitipon ay si Garay.
Makalipas ang dalawang oras ay sinundo naman si Averilla at pagkalipas ng dalawang oras ay si Mirasol naman ang sinundo.
Nang si Amor na ang isinasama ay nagduda na ito at tinanong ang suspek kung nasaan na ang kanyang mga kasama pero hindi naging malinaw ang sagot ni Advincula kaya humingi na nang tulong sa mga residente si Amor.
Nang umalis si Advincula ay tumawag si Amor sa kanyang mister na si Victor at nagpunta sila sa Camp Gen. Simeon Ola at iniulat na nawawala ang tatlong kasama.
Alas-7:30 ng umaga kahapon ay nagreport si Advincula sa Daraga Police Station na umano’y may tatlong katawan ng tao ang nakita niya dakong alas-8:30 ng gabi noong Huwebes sa unang palapag ng kanyang tinutuluyan.
Dito na siya inaresto ng mga pulis dahil hindi niya alam ay nauna nang nagreport ang mag-asawang Amor.
Mabilis na pinuntahan ng mga pulis ang tinutuluyan ng suspek sa loob ng tindahan ng ukay-ukay na pag-aari ng isang nagngangalang Agnes Abo kung saan parati umanong nakikita ang suspek.
Sa paunang imbestigasyon, pulitika at negosyo ang tinitingnang motibo sa pamamaslang.
Patuloy pa rin ang pagsisiyasat habang inihahanda na ang kaso laban kay Advincula.