MANILA, Philippines — Tinatayang umaabot sa P490,000 ang nasabat ng mga otoridad na 7,000 kilo ng fossilized giant clam shells o taclobo sa Sitio Ondol Pasil, Barangay Cayhagan, Sipalay City, Negros Oriental nitong Martes.
Ayon kay Maj. Don Archie Suspene, officer-in-charge ng 4th Special Operations Unit ng Philippine National Police Maritime Group na nakatanggap sila ng report mula sa isang concerned citizen ng mga taclobo na kinokolekta sa naturang barangay.
Agad nagpadala ng tauhan si Suspene at dito tumambad ang nasa pitong libong kilo ng taclobo na nagkakahalaga ng P490,000.
Dinala naman sa headquarters ng PNP Maritime Group ang mga hindi pinangalanang indibiduwal para sa tamang dokumentasyon ng kanilang impormasyon.
Nilinaw ng PNP Maritime Group na mahigpit na ipinagbabawal sa bansa ang pagkolekta o pagbebenta ng giant clams dahil maituturing na umano itong endangered species.