PILI, Camarines Sur, Philippines — Bulagta ang isang notoryus na tulak ng droga matapos na pumalag sa drug bust operation ng pulisya sa Brgy. Palestina sa bayang ito.
Kinilala ang suspek na si Alvin Gamayan Baldoza, nasa hustong gulang, residente ng Brgy. Agos at dati nang sumuko noon sa Oplan Tokhang.
Ayon kay PRO5 Regional Director Brig. Gen. Jonel Estomo, ala-1:00 ng madaling araw ay kumagat ang suspek sa buy-bust operation.
Gayunman, nang i-abot ni Baldoza sa pulis na posuer buyer ang biniling isang pakete na tumitimbang ng 100-gramo at nagkakahalaga ng P300,000 ay sumenyas na ito dahilan para magsilabasan ang mga nakatagong operatiba.
Mabilis na bumunot ng baril ang suspek at pinutukan ang posuer buyer na agad nakatakbo dahilan para putukan din siya ng mga operatiba dahilan para ito bumulagta.
Nang kapkapan nakuhanan pa ang suspek ng 900 gramo ng shabu at nagkakahalaga lahat ng nasamsam na droga sa P6.8 milyong piso.