Barangay tanod nilamon ng ilog

Libon, Albay ,Philippines Patay ang isang barangay tanod matapos na tangayin ng rumaragasang tubig baha at malunod sa ilog makaraang pilitin ang sarili na mag-duty sa kabila nang malakas na bagsak ng ulan sa Brgy. Mabayawas ng bayang ito ka­makalawa ng hapon.

Ilang oras na nagha­nap ang kanyang mga kasamahang tanod na rumesponde bago natagpuan ang bangkay ng biktimang si Edward Renegen Madrid, 33, residente ng naturang lugar.

Sa ulat, dakong ala-1 ng hapon ay nagpilit ang biktimang magpunta sa brgy. hall para mag-duty at maghanda sa responde sa anumang emerhensya dahil sa walang patid na mga pag-ulan.

Gayunman, habang tumatawid ang biktima sa Del Rosario River ay biglang tumaas ang tubig baha at tinangay ang biktima.

Agad rumesponde ang mga kasamahan at hinanap ang tanod. Alas-3 na ng hapon nang matagpuan ito na wala nang buhay sa malayong bahagi ng ilog.

Show comments