GENERAL LLANERA, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang isang 25-anyos na lalaki habang malubhang nasugatan ang 40-anyos na kasama makaraang pagbabarilin ng tatlong hindi kilalang lalaki na nakasuot ng bonnet sa Barangay Murcon,kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Gen. Llanera Police ang nasawing biktima na si Aljon Nares, magsasaka,may live-in partner habang isinugod sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City, ang sugatang si Rolando Mallari Jr.,40, may-asawa, kapwa ng nasabing barangay.
Nabatid kay P/Staff Sgt. Israel Sibuma, officer-on-case,bago mangyari ang krimen,alas-6:45 ng gabi ay naglalaro ng mobile game sa kanyang smart phone si Nares sa loob ng kubo nito nang bigla umanong dumating ang tatlong lalaking suspek na nakasuot ng bonnet, camouflage jacket at shorts, sakay ng isang kolong-kolong traysikel at agad na pinagbabaril.
Sunod nito, tinungo ng mga suspek si Mallari sa bahay nito kung saan isang habulan umano ang naganap na nauwi rin sa pamamaril kay Mallari.
Mabilis na dinala ito sa pagamutan ng mga sumaklolong kaanak habang ang mga suspek ay mabilis na tumakas patungo umano sa direksyon ng bayan ng Rizal o sa bayan ng Talavera.
Ayon sa pulisya, paghihiganti ang tinitingnang nilang motibo sa insidente na hindi na idinetalye pa sa ulat.