Bomba sumabog sa covered court: 8 sugatan

Agad na dinala sa Abpi-Samama Clinic and Hospital ang mga sugatan na sina Norodin Musa, 21; Fahad Tato, 22; Samsudin kadtugan, 21; Benzar Macogay, 24; Amid Miparanun, 19; Carlo Mobpon, 25; Tukoy Abo, 13 at Mohamad Wanti, 29.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Walo katao na naglalaro ng volleyball ang na­sugatan nang  sumabog ang  isang improvised explosive device sa isang covered court sa bayan ng  Datu Piang sa ­Maguindanao, ka­makalawa.

Agad na dinala sa Abpi-Samama Clinic and Hospital ang mga sugatan na sina Norodin Musa, 21; Fahad Tato, 22; Samsudin kadtugan, 21; Benzar Macogay, 24; Amid Miparanun, 19; Carlo Mobpon, 25; Tukoy Abo, 13 at Mohamad Wanti, 29.

Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Phi­lippine Army, naganap ang pagsabog pasado alas-3:30 ng hapon sa mismong covered court ng munisipalidad kung  saan naglalaro ng  volleyball ang  mga biktima. Ilan sa mga biktima ay miyembro ng LGBT.

Sinabi naman ni Datu Piang Mayor Victor Samama na nakakatanggap na ng pagbabanta ang grupo bago mangyari ang insidente mula sa mga radical group na umano’y galit sa mga “naglaladlad”.

Inutos naman ni Samama ang pagpapaigting ng seguridad sa lugar.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang  grupo na responsable sa pagpapasabog.  Ang  Datu Piang ay madalas na inaatake ng ISIS-inspired Dawlah Islamiyah guerrillas na mahigpit na ipinatutupad ang kanilang religious tea­chings kaya galit sa LGBT.

Sa kabila nito, siniguro ni Baldomar na back to normal na ang seguridad sa nabanggit na bayan.

Show comments