ORION, Bataan , Philippines — Kalaboso ang isang basurero matapos abusuhin ang 6-anyos na batang babae na kanyang kapitbahay sa Barangay Lunsungan ng bayang ito kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang suspek na si Edgardo Malipayo Jr., 28-anyos na nahaharap sa kasong rape in relation to Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law).
Sa imbestigasyon, bandang alas-2 ng madaling araw habang mahimbing umanong natutulog ang biktima sa bahay ng kanyang lola nang pasukin ng suspek at hubarin ang pang-ibabang kasuotan nito saka inabuso sa pamamagitan ng daliri.
Dito na nagising ang bata na umiiyak at pinagbantaan pa ng suspek na huwag magsusumbong kundi ay may mangyayaring masama sa kanya.
Gayunman, hindi nagdalawang isip ang biktima at agad na nagsumbong sa kanyang nanay na sinundan ng paghahain ng kanilang reklamo sa himpilan ng pulisya at naaresto ang suspek.