SOLANA, Cagayan, Philippines — Isang pastor na kabilang sa top 4 most wanted person sa lalawigang ito ang dinakip dahil sa kasong panggagahasa ng pitong beses sa menor-de-edad na anak sa bayang ito.
Ayon sa report na ipinarating ng Solana PNP sa Police Regional Office 2 (PRO2), nakilala ang suspek na si Cesar Ablao, 54, residente ng Barangay Sampaguita sa nabanggit na bayan.
Si Ablao ay dinakip ng pinagsanib na pwersa ng 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company at Solana PNP sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Lyliha Abella-Aquino ng Regional Trial Court Branch 4, Tuguegarao City, Cagayan noong Hulyo 19, 2021.
Napag-alaman na unang sinampahan ng kasong rape si Ablao ng kanyang mismong misis noong Marso 4, 2021 dahil sa sekswal na pang-aabuso nito sa kanilang 13-anyos na anak.
Ayon sa pulisya, nitong Hulyo 7, 2021, ay muling dumulog sa Solana PNP ang biktima kasama ang kanyang ina matapos silang pagbantaan ng akusado na papatayin kung hindi iuurong ang demanda laban sa kanya.
Sa kabila ng takot ay hindi inatras ng mag-ina ang kaso hanggang sa madakip ito ng pulisya.
Bukod sa kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act matapos makuhanan ng isang shot gun.
Pansamantalang nakakulong ang suspek sa Solana-PNP bago ito ilipat sa city jail.