Landslide rumagasa habang naghahanap ng ginto
ITOGON, Benguet, Philippines — Isang mag-asawang minero ang nalibing nang buhay matapos na matabunan ng mga putik at bato nang gumuho ang bundok malapit sa may Antamok River sa Brgy. Loacan, Itogon, ang mining town ng lalawigang ito kamakalawa.
Kinilala ng Itogon Police ang mga biktima na sina Nestor Talangcag, 54, at kanyang misis na si Maureen, 57, kapwa residente ng Beda, Loacan, Itogon.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-10:45 ng umaga nitong Martes nang maganap ang pagguho ng lupa sa naturang lugar.
Nabatid na kasalukuyang abala ang mag-asawa kasama ang kanilang anak na lalaki sa paghahanap ng ginto sa may river bank nang biglang gumuho ang bundok hanggang sa mabagsakan sila ng mga lupa at bato mula sa itaas.
Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nagawa pang makaiwas ng mag-asawa at natabunan habang ang kanilang anak ay nakatakbo at nakaligtas sa insidente.
Nagsasagawa na ng search and retrieval operation ang mga awtoridad upang mahanap ang katawan ng mag-asawa.