BAGUIO CITY, Philippines — Inalerto ang mga residente sa pagbaha sa Itogon, Benguet malapit sa dalawang hydroelectric power dams matapos magpakawala ng tubig ang mga gates ng dam dahil sa pagtaas ng water level nito bunsod ng walang puknat na pag-ulan dulot ng habagat, kahapon.
Nabatid na binuksan ang isa sa mga gates ng Ambuklao dam sa Itogon dakong alas-12:00 ng hatinggabi ng Hulyo 25 at 26, 2021, at alas-3:00 ng madaling araw ng Hulyo 26, 2021. Ang water level ng dam ay umaabot na sa 750.95 metro.
Ang normal high water level ng Ambuklao Dam ay nasa 752 metro.
Ang pinakaapektado sa pagtaas ng antas ng tubig at pagpapakawala nito ay ang mga residente sa Ambuklao barangay.
Samantala, ang Binga Dam na nasa Ilogon din ay nagpakawala na rin ng tubig matapos buksan ang isa sa mga gates nito kamakalawa, Hulyo 25, 2021.
Bandang alas-3:00 ng madaling araw kahapon, Hulyo 26, ang antas ng tubig sa Binga Dam ay nasa 572.89 metro na, ilang guhit na lang ang pagitan sa normal high water level nito na 575 metro.
Ang Barangays Dalupirip at Tinongdan ng Itogon ang naapektuhan sa pagpapakawala ng tubig sa Binga dam.