Lalaki hinoldap, tinangkang patayin ang employer, arestado

Kinilala ang suspek na si Oliver Agdon, 25, binata, warehouseman ng Design construction, tubong Marinduque at residente ng Waling-Wa­ling St., Brgy. Roxas District, ­Quezon City.
STAR/ File

Matapos hindi payagang mag-cash advance

MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaki nang holdapin at tangkain pang patayin ang kanyang employer nang tumanggi itong bigyan siya ng cash advance sa loob ng tanggapan nito sa Brgy. South Triangle, Quezon City kamakalawa.

Kinilala ang suspek na si Oliver Agdon, 25, binata, warehouseman ng Design construction, tubong Marinduque at residente ng  Waling-Wa­ling St., Brgy. Roxas District, ­Quezon City.

Si Agdon ay inaresto matapos umanong holdapin at tangkain pang patayin ang kanyang employer na si Chenee Acuzar, 27, arkitekto at residente ng Sta. Maria, Bulacan.

Nabatid na dakong alas-2:45 ng hapon  nang maganap ang insidente sa 18th floor ng Victoria de Morato Condominium na matatagpuan sa  Scout Borromeo St., Brgy. South Triangle, Quezon City.

Nauna rito, kasalukuyan umanong nasa loob ng kanyang tanggapan ang biktima at nagtatrabaho nang dumating si Agdon at nagka-cash advance dahil kailangan umano niya ng pera.

Gayunman, hindi pinabale ng biktima ang suspek sanhi upang magalit ito at holdapin siya at tangkain pang patayin.

Narinig naman umano ng mga security guard ang komosyon kaya’t nasaklolohan ng mga ito ang biktima at naaresto ang suspek, na kaagad na itinurn-over sa pulisya.

Show comments