2 lady cop nagpaanak ng buntis sa daan, pinuri
MANILA, Philippines — Nagpamalas ng kagandahang loob sa kanilang kapwa ang dalawang pulis makaraan nilang tulungan ang isang buntis na ligtas na mailuwal ang kanyang sanggol sa lalawigan ng Capiz, ayon sa opisyal ng PNP kahapon.
Kinilala ni PNP Spokesman P/Brig. Gen. Ronaldo Olay ang dalawang pulis na sina P/Corporal Mary Joy Fusin, isang registered nurse at P/Staff Sergeant Maybelle Legario; pawang kasapi ng Dumalag Municipal Police Station.
Sina Fusin at Legario ay hindi nag-atubiling tulungang manganak ang ginang na nakilalang si Tirisa Bindol.
Si Bindol at mister nito ay patungo na sana noong Biyernes sa Dao District Hospital para manganak ang una nang makaramdam siya ng matinding sakit ng tiyan matapos na pumutok na ang panubigan nito.
Dahil dito, napilitan ang mister nitong humingi ng tulong sa mga pulis na naka-duty sa Dumalag Municipal Police Station (MPS).
Hindi naman nagdalawang isip ang dalawang lay cop na tulungan ang ginang na inabutan ng panganganak sa daan. Sa tulong ng dalawang pulis, ligtas na nailabas ng ginang ang kanyang sanggol saka agad isinugod ang mag-ina sa Dumalag Health Center.
Pinapurihan naman ni PNP Chief P/Guillermo Lorenzo Eleazar ang dalawang pulis na tumulong sa ginang para ligtas niyang maipanganak ang kanyang sanggol at ang mga ito’y bibigyang pagkilala ng liderato ng PNP.
“Saludo ako sa dalawang pulis na ito na hindi nagdalawang-isip tumulong sa mag-asawang Bindol. Marami pa rin talagang mga pulis na handang tumugon sa kahit anong pangangailangan ng kanilang kapwa,” ayon kay Eleazar.
- Latest