GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Sumuko na sa otoridad ang umano’y suspek sa pamamaslang sa chief of staff ng Brigada Group of Companies sa lungsod na ito, kamakalawa.
Kinilala ni Police Captain Abdulsalam Mamalinta, hepe ng Police Station 4 ng GenSan City Police Office, ang suspek na si Ralph Gerald Sorabia alyas “Rap-rap”, 27 at empleyado ng Global Dynamic Star Security Agency na pagmamay-ari rin ng Brigada Group.
Ayon sa hepe, sumuko ang suspek sa awtoridad upang linawin ang kanyang pangalan matapos maging isa sa mga “person of interest” sa naturang krimen.
Pero si Sorabia ang itinuro ng testigo na bumaril kay Yentez Quintoy noong Hunyo 4, 2021 dakong alas-12 ng tanghali sa NLSA Road, Barangay San Isidro ng lungsod habang pauwi ang biktima para mananghalian.
Ayon kay Mamalinta, may hidwaan na ang dalawa, isa na rito ang pagpapaalis sa suspek sa tinutuluyan nitong boarding house na pagmamay-ari ng biktima na siyang naging motibo sa krimen.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong murder at kasalukuyang nasa kustodya ng pulisya.
Matatandaang, mismong si Brigada CEO Elmer Catulpos ang nag-alok ng P1 milyong pabuya sa sinumang makakapagbigay ng matibay na impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng suspek at iba pang sangkot sa naturang pamamaril.