MASBATE CITY, Masbate, Philippines — Patay ang isang baguhang football player ng Far Eastern University at kanyang pinsan habang sugatan ang isang menor-de-edad na pamangkin nito matapos na sumabog ang itinanim na bomba ng hinihinalang komunistang New People’s Army (NPA) sa tabi ng kalsada ng Purok-4, Brgy. Anas sa lungsod na ito kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing football player na si Kieth Absalon, 21-anyos, at pinsang si Nolven Absalon, 40-anyos.
Nilalapatan naman ng lunas sa Masbate Provincial Hospital ang 16-anyos na anak ni Nolven na si Crisbin.
Sa ulat, dakong alas-6:45 ng umaga kasama ang iba pang mga kamag-anak ay nagbibisikleta si Nolven at Kieth patungong Brgy. B. Titong nang biglang sumabog ang itinanim na improvised explosive device (IED) ng hinihinalang mga rebeldeng NPA.
Sa lakas ng pagsabog, agad nasawi ang mga biktima dahil sa tumamang mga matutulis na shrapnel sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan habang nasugatan ang nakababatang Absalon na duguang dinala sa pagamutan.
Mahigpit na kinondena ni Brig. Gen. Jonnel Estomo, regional director ng Police Regional Office-5 ang walang awang pag-atakeng ito ng mga komunista sa mga sibilyan.