MANILA, Philippines — Nasa 31 mangingisda ang nailigtas ng mga sundalo ng Philippine Navy nang lumubog ang kanilang sinasakyang bangka malapit sa Nares Bank sa West Philippine Sea noong Linggo.
Sa ulat ni Commodore Don Anthony Milaflor, commander ng Naval Forces West, humingi ng saklolo ang kapitan ng fishing boat FB Pauline 2 na si Placido Asusina matapos na mabutas ang kanilang bangka at pasukin ng tubig.
Ang tawag ay natanggap ng isang kalapit na fishing boat ang FB Española at ini-report sa Naval Forces West ng kapitan nito na si Jafel Alipustain.
Agad inatasan ng Naval Forces West ang kanilang mga barko na nagpapatrolya sa lugar na sumaklolo at unang nakarating sa lumulubog na bangka ang BRP Emilio Jacinto (PS35).
Matapos maligtas ang 31 mangingisda, binigyan sila ng medikal na atensyon at pagkain at inihatid ng BRP Emilio Jacinto sa San Jose, Occidental Mindoro. Bangka lumubog sa WPS: 31 mangingisda nasagip ng Navy.