CAVITE, Philippines — Apat na katao ang sugatan matapos na araruhin ng isang pickup truck ang limang nakaparadang jeepney na susundo sana ng mga empleyado ng isang pabrika sa kahabaan ng Aguinaldo Highway sa Brgy. Anabu 2-A, Imus City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga sugatan na sina Joseph Bryan Llagas, 26-anyos, contractor at driver ng rumagasang Hilux pickup at residente ng Apollo St., San Gregorio Village, Pasay City; ang sakay nito na si Angelica Alejandro, 24, call center agent ng Dasmariñas City at dalawang driver ng jeep na sina Crisanto Velasco, 58, ng Brgy. Sabang, Dasmariñas City at Sunny Avalon Traya, 62, ng Salinas 1, Bacoor City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-5 ng hapon habang nakaparada sa gilid ng kalsada ang limang jeep at hinihintay ang mga empleyadong kanilang susunduin mula sa kompanyang Yazaki EMI nang bigla na lamang salpukin ng Toyota Hilux na may plakang POV- 813 na minamaneho ni Llagas ang nasa hulihang jeep dahilan upang matumbok din nito ang nasa unahang jeep hanggang sa magkarambola na ang limang jeep at ang Hilux.
Mabuti na lamang at hindi pa nakakasakay ang mga empelyado ng pabrika nang maganap ang insidente.