BAGUIO CITY, Philippines — Dahil sa mga insidente ng pagkasugat at pagkasawi bunsod ng pagpapalipad ng saranggola, ipinasa na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Ilocos Sur ang mga regulasyon na nagbabawal sa “kite flying” ng mga bata at matatanda sa nasabing lalawigan.
Tinukoy ng mga provincial legislators ang mga pinsalang idinudulot ng pinalilipad na mga saranggola kabilang na ang pagpulupot sa mga electric wire at iba pang communications lines at facilities sanhi ng pagputok ng mga kable ng kuryente at substations.
Ang pagtama ng mga saranggola sa mga wire at poste ng kuryente ay nagiging sanhi rin umano ng mga power interruptions o brownout na sumisira sa mga electrical assets, at pagkakaroon ng aksidente na dahilan ng pagkasugat at kamatayan ng ilang tao.
Ang ordinansa na nakapasa sa 3rd and final reading ay tinukoy ang report ng Vigan City Police kaugnay sa isang motorcycle rider na bumabagtas sa highway ang tinamaan ng kite string sanhi upang malaslas ang leeg nito at masawi.
Iginiit ng mga miyembro ng SP na sa ipatutupad na regulasyon, ipagbabawal na ang pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga national highways, power and telecommunication lines at ang paggamit ng lubid na gawa sa plastic, nylon, o kahalintuald ng synthetic material kabilang ang Chinese thread “medron” na may glass o metallic components.
Bunsod nito, mapipigilan ang mga insidente ng mga batang nakukuryente dahil sa pagtatangkang makuha o maialis ang kanilang saranggola na sumabit sa mga electric wires at facilities.
Kailangan munang humingi ng permiso sa barangay ang taong gustong magpalipad ng saranggola. Ang mga menor-de-edad ay hindi rin bibigyan ng permit para magpalipad ng saranggola kung walang kasamang nakatatanda. May katapat na parusa o multa para sa mga taong lalabag sa nasabing ordinansa.