MANILA, Philippines —Winasak ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 7,000 mga baril na hindi na nagagamit o itinuturing nang Beyond Economical Repair (BER) sa Camp Crame kahapon ng umaga.
Pinangunahan ni PNP chief Gen. Debold Sinas ang symbolic demilitarization kung saan winasak ang nasa 6,338 units na BER na pawang nakumpiska, isinuko, at nai-turnover sa PNP Property Firearms (CCSDAF-TPPF).
Nilinaw ng PNP na mas makabubuting sirain ang mga ito at hindi na magamit pa sa mga modus ng mga tiwaling pulis. Kasama ring sinira ang 1,033 units BER PNP Firearms.
Sa ilalim ng PNP Memorandum Circular No. 2017-017, isasailalim sa pagwasak ang mga armas kung ito ay hindi na makukumpuni gaya na lamang kung ito ay “unsaleable” na at maaaring maging delikado pa kung hindi sisirain.
Ang Demilitarization Process ay kinapapalooban ng pagpuputul-putol sa mga baril gamit ang circular saw o blowtorch, pagbali sa mga ito, pag-deform gamit ang martilyo grinder o iba pang power tools, at pagputul-putol sa wooden parts at stamp aluminum parts nito.