Mikropono ng videoke pinag-agawan
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Pinaglalamayan na rin ngayon ang dalawang mister habang dalawa pa ang malubha kasunod ng rambulan na umano’y nag-ugat sa agawan ng mikropono ng videoke sa kasagsagan ng kanilang inuman sa burol ng kanilang kaanak sa Brgy. Visitacion, Sta. Ana, Cagayan noong Sabado ng hatinggabi.
Sa report ng Sta. Ana Police, kinilala ang mga nasawi na sina Garry Jovellanos, 41-anyos at isang dumalo sa lamay na si Reynante Romero.
Sa imbestigasyon, dakong alas-12 ng hatinggabi, nauwi umano sa komprontasyon ang masayang kantahan ng magkakainumang sina Jovellanos; Robert Aguirre, 39, at Raymond Carillo, 41, na pawang kaanak ng nakaburol na si Romulo Carillo, at ang dayo na si Romero na taga-bayan ng Lal-lo.
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga magkakaanak at kinomprontang si Romero dahil sa sinasabing agawan ng mikropono habang nagkakantahan sa videoke at hindi nila alam na armado pala ang nasabing dayo ng kalibre 45 baril.
Pinagbabaril ni Romero ang mga magkamag-anak pero nagawang makaganti ng tatlo.
Namatay agad si Romero na nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan matapos siyang kuyugin ng tatlo na gumamit pa ng malalaking tipak ng bato na ipinampukpok sa una bago sila nawalan ng ulirat dahil sa mga tinamong tama ng punglo sa katawan.
Isinugod ang tatlong magkakaanak sa Sta. Ana Community Hospital kung saan nalagutan ng hininga si Jovellanos. Ang naghihingalo namang sina Carilllo at Aguirre ay inilipat sa Cagayan Valley Medical Center kung saan sila inoobserbahan.