LIBMANAN, Camarines Sur, Philippines — Nagpatuli rin sa wakas ang isang 65-anyos na lolo matapos na sumabay sa mahigit 900 bilang ng mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay na nakilahok sa maramihang pagtutuli sa bayan ng Libmanan sa lalawigang ito.
Itinago ang bagong “bininyagan” sa pangalang “Lolo Manuel”, may-asawa at residente ng Brgy. Inalahan.
Ayon sa ulat, hinamon umano ng kanyang 48-anyos na asawa si Lolo Manuel na magpatuli na para magkaanak na sila. Kasama ng 924 bilang ng mga kabataan ay lakas-loob na nakilahok si Lolo Manuel sa maramihang tulian na inisponsoran ni Vice Mayor Gerardo Miraflor Atienza. Hindi naman umano nahirapan ang matanda sa ginawang pagtutuli sa kanya pati na rin ang doktor na nagsagawa ng “operasyon”.
Ayon kay Lolo Manuel, dahil umano sa malaking takot niya sa dugo kaya umabot siya sa edad na 65 na hindi nagpapatuli. Hanggang nitong nakaraang linggo ay hinimok siya ng kanyang pang-apat na misis na sumabay na sa “Tuliang Bayan” nitong Martes na inisponsoran ni Vice Mayor Gerardo Miraflor Atienza dahil baka ang hindi niya pagiging “binyagan” ang dahilan para hindi sila magkaanak.
Sinabi ng lolo na nahihiya na umano siya sa pambu-bully ng kanyang mga kaibigan at naranasan niyang makantyawan ng kanyang unang tatlong naging misis kung saan nagawa pang hiwalayan siya dahil sa pagiging “supot”.