MANILA, Philippines — Tinanggal na sa puwesto ni Police Regional Office-10 Director B/Gen. Rolando Anduyan ang pitong pulis na nasa likod ng viral video na makikita ang umano’y pagtatanim ng baril bilang ebidensya o “tanim-baril scheme” sa Purok 4, Brgy. Batangan, Valencia City, Bukidnon noong Pebrero 20, 2021.
Nabatid na inutos ni Anduyan sa PNP-Internal Affairs Service ang mas malalim na imbestigayon sa pangyayari kung saan makikita si Cpl. Benzon Gonzales ng Valencia City Police Station na kumuha ng 38 na kalibre na baril at ipinapaputok ng tatlong beses bago iniligay sa gilid ng bangkay ng isang suspected drug pusher na si Pol Estañol na napaslang at nanlaban umano sa mga otoridad.
Hindi pa tinukoy ang pangalan ng ibang mga sangkot sa “tanim-baril” habang iniimbestigahan sila ng IAS.
Sinabi ni Anduyan na dinis-armahan na ang nasabing mga pulis habang naka-report sa Regional Police Holding and Accounting Office (RPHAO) na nakabase sa Camp Alagar ng Cagayan de Oro City.
Magugunitang unang inamin ng Valencia City Police Station na tauhan nila ang nagpapaputok at nagawa lamang umano ito ni Gonzales dahil sa sobrang inis sa operasyon.