Pagbabakuna sa Bicol nag-umpisa na

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Sisimulan na ngayong araw ang pagbabakuna sa apat na pilot hospitals sa Bicol Region matapos na duma­ting ang 12-libong vials ng Coronavac na ipinadala ng gobyerno sa Department of Health-Bicol Center for Health Development kahapon ng umaga.

Ang 12-libong vials ng Coronavac ay dumating sa Legazpi City Domestic Airport lulan ng PR 2923 ng Philippine Airlines at agad ipinasok sa cold storage room ng DOH-5 na malapit lang sa paliparan.

Matapos ang inventory ay agad ipinadala gamit ang ambulansya ang 1,200 vials para sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) sa Legazpi City, Albay, 526 vials para sa Bicol Medical Center at 74 vials sa NICC Hospital sa Naga City at 600 vials sa Bicol Regional General Hospital sa bayan ng Cabusao lahat sa lalawigan ng Camarines Sur.

Ang kalahati ng doses ng bakuna ay nakalagak lang sa cold storage faci­lity ng ahensya at muling ipapadala sa pagbibigay ng pangalawang doses.

Ayon kay Noemi Bron ng DOH-5, sabay-sabay na sisimulan ngayong araw ang unang roll out ng bakuna laban sa Covid-19 sa apat na pilot hospital sa rehiyon habang susundan ang pangalawang shots ng bakuna makalipas ang 28-araw.

Show comments