MANILA, Philippines — Tatlong patay na halos naagnas na ang narekober ng mga otoridad sa gitna ng pagtitipon ng isang kulto na pinamumunuan ni Nicholas Canonigo alyas “Kolas” at anak na si Joana Lou Canonigo na sinasabing kaya nilang buhayin sa Arakan, North Cotabato.
Nakilala ang mga bangkay na sina Leonardo Lauron Capillan, 61, na namatay noong Enero 31; Bernardo Provida Capillan (anak ni Leonardo), 32, na namatay noong Pebrero 1, at Ailyn Magali, 18, dalaga na nasawi noong Pebrero 6, pawang mga residente ng Brgy. Libertad, Arakan.
Naniniwala ang mga miyembro ng kulto na sila ay maliligtas sa pagtira sa gitna ng bundok at malayo umano sa problema. Tanging pagkain, pagtulog at pagdarasal lamang ang kanilang ginagawa.
Naniniwala silang sasanib umano kay Joana Lou Canonigo ang Santa Maria at mabubuhay nito ang tatlong patay na binanggit.
Una nang nagpaabot ng reklamo ang pamilya ng mga patay dahil nangangamoy at naaagnas na ang mga ito pero tutol umano ang mag-amang Canonigo na kunin ang mga bangkay at ilibing.
Nagsagawa pa ng negosasyon ang lokal na pamahalaan ng Arakan sa pangunguna ni Mayor Rene Rubino, pulisya at militar sa grupo ni Canonigo upang itigil ang pagtitipon at ibigay ang mga bangkay.
Agad namang umuwi ang mga miyembro ng kulto sa kanilang mga tahanan na dumalo sa isang ritwal.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang mag-amang Canonigo ng mga otoridad kung may pananagutan ba sila sa batas.