Modus ng lalaki na nagpapaawa, tiklo
Makikiinom saka magnanakaw
OLONGAPO CITY , Philippines — Arestado ang isang lalaki na kakaiba ang modus sa panloloko at pagnanakaw matapos siyang matiklo habang ibinebenta sa “online selling” ang mga ninakaw na kagamitan kamakalawa ng gabi, dito sa lungsod.
Sa pahayag ng biktimang si Russle Arceo sa pulisya, alas-11 ng gabi nang tawagin at lapitan siya ng suspek na si Joseph Guzman habang nagsasara ng kanilang gate at nakiusap na makikiinom ng tubig at hiniram ang kanyang cellphone dahil kailangan umano nitong makontak ang kanyang pamilya dahil sa problema na bagay na kanyang pinaunlakan ng una.
Pero habang nakikitawag, inutusan umano ng suspek si Arceo na kumuha ng isa pang basong tubig inumin subalit nang pagbalik ay laking gulat nitong wala na ang suspek.
Kinabukasan, isa ring taxi driver na si Rene Sapungan ang nabiktima ng suspek dahil hindi umano binayaran ang pumatak na halaga sa metro ng kanyang taxi na aabot sa P2,000 na inireport din sa pulisya.
Kamakailan naman ay isang mag-asawang guro ang ninakawan ng dalawang laptop at isang projector ng suspek matapos makitulog sa kanila. Dahil kakilala umano ng kanilang magulang ang suspek ay buong puso nilang pinatuloy.
Nagawang makapagnakaw ng suspek nang balikan nito ang bahay ng mag-asawang guro matapos makatunog na may lakad ang buong pamilya at walang maiiwan sa kanilang bahay.
Nabawi ng mag-asawa ang mga nanakaw na gamit na nagkakahalaga ng P70,000 makaraang makita na iniaalok ang mga ito sa Marketplace sa Facebook at ibinenta lamang ng suspek sa halagang P9,000.
- Latest