May P2.7-milyong patong sa ulo
BAGUIO CITY , Philippines — Naglabas uli kahapon ng “shoot-to-kill” (STK) order ang isang heneral ng pulisya laban kay Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) spokesman Simon Naogsan Sr. na isa sa 9 na wanted at akusado sa pagpatay sa isang Garito Tiklonay Malibato sa Kapalong, Davao del Norte noong 2018.
Ang STK laban kay Naogsan Sr. na may patong sa ulo na P2.7 milyon ay kasunod ng pagsuko ni Cordillera People’s Alliance (CPA) chairperson Windel Bolinget sa National Bureau of Investigation (NBI)-Cordillera ng nakalipas na linggo matapos ma-pressure sa unang “shoot to kill” na inutos ni Police Regional Office-Cordillera director Brig. Gen. Rwin Pagkalinawan sa kanyang mga tauhan.
“He should peacefully surrender as soon as possible or he might suffer the consequences,” babala ni Pagkalinawan at sinabing dapat tularan ni Naogsan Sr. ang ginawang ehemplo ng pagsuko ni Bolinget upang malinawan sa korte ang katotohanan sa pagpatay kay Malibato.
Si Naogsan Sr. ay dating civil engineer ng Commission on Audit bago siya sumapi sa New People’s Army (NPA) noong 90’s, at may ibinabang P2.7-milyong reward sa tipster para sa kanyang ikaaaresto.
Kasunod ng STK order, magugunita na sumuko nitong Huwebes si Bolinget sa NBI-Cordillera na inasistehan ng kanyang abogado upang patunayan aniya na inosente siya sa ibinibintang sa kanya at iginiit na ang kanyang pagsuko ay hindi pag-amin sa krimen.
Nitong Setyembre 2020, naglabas si Judge Sharon Rose Saracin Tagum City Branch 30 Regional Trial Court ng warrant of arrest laban kina Bolinget, Naogsan Sr. at walong iba pang kasamahan nang walang kaukulang piyansa dahil sa kasong pagpatay kay Malibato noong Marso 22, 2018 sa Brgy. Gupitan, Kapalong, Davao del Norte.
Bunsod nito, agad na inilabas ni Pagkalinawan ang kanyang STK order laban kay Bolinget pero nilinaw nito na ipatutupad lamang ito kung ang huli ay maglalaban sa arresting team kaya napilitang sumuko ang huli.