CAVITE, Philippines — Nasa 30 kabahayan ang natupok matapos na sumiklab ang malaking sunog sa Brgy. Molino 6, Bacoor City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Bacoor Fire Station, nagsimula ang sunog pasado alas-7 ng gabi sa bahay ng isang Charlie Siason sa Blk. 12 Barracks, Phase 4, Soldiers 4.
Dahil sa malakas ang hangin ay mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.
Umakyat ng 2nd alarm ang sunog ganap na alas -9:14 ng gabi at umabot ng may mahigit sa 3-oras bago ito tuluyang naapula. Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente at tinatayang aabot sa mahigit kumulang sa P1.5 milyong halaga ng mga kabahayan at ari-arian ang nasunog.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla na nalulungkot siya sa nangyari dahil kasisimula pa lamang ng 2021 ay nakaranas na ang kanyang lungsod ng dalawang sunog.
Bunsod nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga Bacooreño na mag-ingat dahil sa hindi pa natatapos ang pandemya ay madaragdagan pa ang kanilang kalbaryo matapos mawalan ng mga bahay sa sunog.