MANILA, Philippines — Nanawgan ang Pinoy Aksyon for Governance and the Environment (Pinoy Aksyon) sa lokal na pamahalaan ng Cagayan na imbestigahan ang ulat ukol sa illegal na pagmimina sa Cagayan na kontrolado ng mga negosyanteng Tsino.
Sinabi pa ng grupo na nais nilang matigil ang masamang gawain dahil may malaking problema na ayaw pag-usapan ang malakihan at bultobultong paghuhukay ng lupa at buhangin upang ipadala sa China at mga kalapit pang bansa tulad ng Hong Kong.
“The question is what has been done? Shall we wait for another disaster to again look into illegal mining and logging,? ayon kay Pinoy Aksyon chairperson BenCyrus G. Ellorin.
Sinabi rin ni Ellorin na ang pagi-export ng milyon milyong metro kubiko ng buhangin sa malalaking imprastraktura sa mga kalapit na bansa ang wawasak sa baybaying dagat at dalampasigan bukod pa sa magiging sanhi ng napakataas na presyo ng mga panambak, buhangin, bato at mga kauri nito na magpapabagsak sa pag-angat ng paggawa (construction) sa bansa dulot ng proyekto ng pamahalaang “build build build.”
Nanawagan ang grupo kay Cagayan Gov. Manuel Mamba at Cagayan 2nd district Rep. Samantha Louise V. Alfonso na imbestigahan at aksyunan ang black sand mining sa kanyang distrito.
Ang Pinoy Aksyon ay isang independyenteng tagapagbantay at “think-tank” na nagtataguyod ng pananagutan sa publiko, pangangalaga sa kapaligiran at totoong demokrasya.