2 berdugo sa Nueva Ecija utas sa shootout

Ang isa sa gun-for-hire na si alyas “Big Boy” na napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis habang ang kasamang si alyas “Bong” ay bumulagta sa loob ng SUV sa Brgy. Sto. Tomas, San Jose City, Nueva Ecija kamakalawa ng gabi.
Nueva Ecija Police

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija, Philippines — Patay ang dalawang berdugo ng kilabot na gun-for-hire syndicate maka­raang makipagbarilan sa pulisya sa inilatag na checkpoint sa Zone 4, Barangay Sto. Tomas ng lungsod na ito, noong Huwebes ng gabi.

Kinilala lamang sa mga alyas na “Bong” at “Big Boy” ang dalawang lalaking suspek na napatay sa barilan habang tinutunton pa ng pulisya ang ibang kasapi ng naturang grupo.

Ayon kay Police Col. Marvin Joe Saro, provincial director ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), nakatanggap sila na may “masasamang loob” na pumasok sa nasabing lugar kaya agad nagsagawa ng operasyon ang San Jose Police katuwang ang Lupao Police at Provincial Intel Unit ng NEPPO.

Dakong alas-10:15 ng gabi nang masabat sa checkpoint ang mga suspek pero imbes na tumalima sa mga pulis ay nagpaputok umano ng baril sanhi ng engkuwentro.

Nasawi sa shootout ang dalawang suspek na sinasabing nagsasagawa ng kanilang illegal na operasyon sa Nueva Ecija at mga kalapit na lalawigan.

Nakarekober sa encounter site ang isang homemade caliber .45 pistol; 4-piraso ng fcc ng 9mm; tatlong caliber .45; isang unit ng kulay brown na Chevrolet Trail Blazer na walang plaka; isang kulay itim at asul na motorsiklong Kawasaki Bajaj CT125 na walang plaka at listahan ng mga taong nakalinyang itutumba.

Show comments