GONZAGA, Cagayan , Philippines — Kapwa nasugatan ang isang mister at ang 7 buwang buntis na misis matapos na banggain sila ng kotse habang nagmomotor sa national highway ng Barangay Calayan ng nasabing bayan.
Sa report ng pulisya, alas-6:00 ng gabi ay minamaneho ni Rizaldy Mangoba ang kanyang motorsiklo at angkas ang misis na si Maricen,25 pauwi sa kanilang bahay nang banggain sila ng kotse.
Sa lakas nang pagsalpok ay tumilapon at nagpagulong gulong sa kalsada ang mag-asawa.
Ayon kay Rizaldy, bago siya nawalan ng ulirat ay huminto pa ang pulang kotse saka bumaba at tinanaw lamang ng drayber nito bago humahurot palayo.
Isinugod ng mga sumaklolo ang mag asawa sa Alfonso Ponce Enrile Medical District Hospital kung saan inoobserbahan ang nasa sinapupunang sanggol ni Maricen.