Tirador ng 50 manok, nalambat
NUEVA ECIJA, Philippines — Arestado ang isang 28-anyos na lalaki habang nakatakas ang kanyang kasabwat sa pagnanakaw umano ng nasa 50 buhay na manok sa Brgy. Tambo Adorable, sa bayan ng San Leonardo, dito, kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa San Leonardo Police, nadakip ng mga alertadong bantay-bayan ang suspek na si Ronnie Boy Santiago, 28, binata ng nasabing lugar habang mala-palos na nakalusot ang kasama nitong si Joselito Longalong alyas “Totoy” ng nasabi ring lugar.
Nakilala naman ang biktima na si Alberto Juatchon, 50-anyos, negosyante ng nasabi ring barangay na ninakawan ng dalawang suspek ng tinatayang 50 kataying manok na nagkakahalaga ng P10,000.
Ayon sa pulisya, bandang alas-12:10 ng madaling-araw ay nagising ang biktima sa ingay ng mga manok at nang kanyang tingnan ay nakita ang dalawang suspek na isinasako na ang kanyang mga alagang manok at mabilis na sumibad.
Agad na tumawag ang biktima ng naka-duty na BPAT ng barangay at nahuli ang isang suspek at nabawi rin ang mga manok na kanilang ninakaw.
- Latest