TIAONG, Quezon, Philippines — Patay agad ang isang waiter na backrider ng motorsiklo habang malubhang nasugatan ang kaibigan nitong rider makaraan silang salpukin ng kasalubong na truck sa Maharlika Highway, Brgy. Talisay ng bayang ito, kamakalawa ng madaling araw.
Basag ang bungo at nagkasugat-sugat ang katawan ng biktimang si John Mark Juego, 20, binata ng Candelaria, Quezon sanhi ng kanyang dagliang kamatayan.
Ginagamot naman sa Candelaria Hospital dahil sa mga tinamong sugat sa iba’t ibang parte ng katawan si Francis John Alipante, 26, binata ng Sariaya, Quezon.
Ayon sa ulat, ala-1:50 ng madaling araw habang patungo sa Sariaya, ang mga biktima lulan ng isang Honda beat motorcycle nang pagsapit sa kurbadang bahagi ng daan ay sinalpok sila ng kasalubong na trak na minamaneho ni Jan Michael Bucay, 31, ng Naga City. Nagkayupi-yupi ang motorsiklo sa lakas ng banggaan. Nakapiit na sa municipal jail ang truck driver na sinampahan na ng kaukulang mga kaso.