SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines — Pito katao kabilang ang isang contractor na sangkot sa bentahan ng mga pekeng ginto at palladium bars ang nasakote ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Brgy. Villasis ng lungsod na ito kamakalawa.
Kinilala ng Santiago City Police ang mga naaresto na sina Rico Callueng, 56, contractor ng Fugo, Tuao, Cagayan; Arnold Villasis, 42, negosyante ng Zone 7, Bessang, Allacapan, Cagayan; Apolinario Basanes, 54, ng Barilao, Manaoag, Pangasinan; Rodolfo Pascua, 66; Jayson Pascua, 30, kapwa ng Marabullig 2, Cauayan City; Angel Lacson, 49, driver, ng San Francisco, Magalang, Pampanga at Edelina Patio, 50, ng Sapang Maysa, Mexico, Pampanga. Ayon kay B/Gen. Crizaldo Nieves, director ng Police Regional Office 2, nagreklamo ang isang Engr. Felido Bautista matapos bentahan ng mga suspek ng pekeng palladium bar na nagkakahalaga ng mahigit P10 milyon. Humingi umano ang grupo sa biktima ng P1.5 milyon bilang paunang bayad para sa palladium bar.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek, nakumpirma na peke ang palladium bar kung kaya’t agad na naglatag ng entrapment operation ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Regional Field Unit 2, CIDG Santiago City, Santiago Police-Intelligence Unit, Santiago at Enrile Traffic Group at Solana Police na nagresulta sa pagkakadakip ng mga suspek. Nakuha rin kay Callueng ang isang cal. 45 na baril, isang magazine at anim na bala, dalawang pekeng palladium bar na may timbang na 217 kilo kada isa, tatlong sasakyan na Isuzu MUX (conduction sticker cp0865), Mitsubishi Strada pick-up (NAV 9803) at Mitsubishi Montero Sports, at ang boodle money na ginamit sa operasyon. Si Callueng ang itinuturo ring pinuno umano ng grupo na sangkot sa bentahan ng mga pekeng gold at palladium bars sa Cagayan.